'Little officials' ng Muntinlupa, binigyang karanasang manungkulan sa lungsod

Ipinaranas ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa mga batang estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Lunsod ang buhay ng isang public servant sa pagdiriwang ng Boys and Girls Week 2023.



Every year, we celebrate the Boys and Girls Week through a program called “Little Officials,” kung saan ini-immerse natin ang mga kabataan sa trabaho sa gobyerno,” saad ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon sa kaniyang official Facebook page.

Sa pagbubukas nasabing programa nitong lunes, Nobyembre 6, 2023, pinangunahan ng mga Little Boys and Girls Officials ang Pagtataas ng Watawat sa Muntinlupa City Hall Quadrangle. Dito ay ibinahagi din nila ang kanilang mga adhikain para sa kanilang kapwa bata.

Flag-raising ceremony at pagbubukas ng Boys and Girls Week 2023. "Sabi nga, the best legacy a leader can leave behind is the legacy of raising the next generation of leaders" saad ni Mayor Biazon. (Photo from Muntinlupa PIO)

Nakakatuwang makita ang Little Officials natin, pati yung mga nagsalita at nagbahagi ng plataporma nila during the flag raising ceremony,” dagdag ni Mayor Biazon.

Nasa 55 pampubliko at pampribadong institusyon ang lumahok sa taong ito. Ang mga paaralan ay itinalaga sa apat na “districts.” Ang districts 1 at 2 ay para sa public elementary schools, ang district 3 ay para sa private elementary schools, at ang district 4 naman ay para sa mga estudyante sa high school level.

Sa pagdiriwang ng National Children’s Month na may tema ngayong taon na “Healthy, Nourished, Sheltered: Ensuring the Right to Life for All,” inilunsad ng Youth Affairs and Sports Development Office (YASDO) sa pamumuno ni Ms. Cynthia Viacrusis, ang mga activities ng Boys and Girls Week 2023, kasabay ng regular na pagtataas ng watawat sa City Hall Quadrangle. Layunin ng selebrasyon na kilalanin ang mga bata bilang pinakamahalagang yaman ng bansa at bigyang-diin ang kanilang tungkulin sa pamilya at lipunan—alinsunod sa R.A. 10661 o ang National Children's Month Act of 2015. (Photo by Muntinlupa PIO)

Ang mga nahalal na little officials ay sina: Little Congressman Sandler S. Santillan, Little Mayor Alodia Shane M. Sumawang, and Little Vice Mayor Gabriel P. Gonzalo of District 1; Little Congressman Raven James B. Bernardo, Little Mayor Jorainza Lei D. Ramirez, and Little Vice Mayor Analyn D. Tapian of District 2; Little Congressman Martin Ezekiel Zaballero, Little Mayor Francelle Arien Balicat, Little Vice Mayor Casey Andrei C. Reyes of District 3; and Little Congressman Maya Celine Bugaling, Little Mayor Nathan Lopena, and Little Vice Mayor Samantha Marie Diloy of District 4.

Ayon sa Muntinlupa Public Information Office (PIO), sa loob ng isang araw, mararanasan nilang maging leader ng lungsod, aattend ng meetings, mag-oobserve sa mga proseso sa opisina, at makikihalubilo sa mga constituents na bumibisita sa tanggapan. 

Dagdag pa ng Muntinlupa PIO, layon ng programa na i-expose ang mga kabataan sa good governance para makatulong sa paghubog sa kanila bilang responsableng mamamayan.

Kasama ni Mayor Biazon at iba pang mga opisyal si Little Mayor Jorainza Lei D. Ramirez, Grade 6 student mula sa Cupang Elementary School - Main sa pamamahagi ng food assistance noong November 7 sa mga apektadong pamilya ng sunog na naganap sa Purok 7A, Ilaya, Brgy. Alabang. (Photo by Muntinlupa PIO)

Mula Nobyembre 6 hanggang 9, ang bawat Little Official ng bawat "district" ay uupo sa opisina ng isang buong araw kung saan natutuhan at naranasan nila mismo ang mga gawain ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, ehekutibo, lehislatibo, at maging sa sangay ng hudikatura.

Panoorin at kilalanin ang ilang Little Officials at alamin ang kanilang mga naging karanasan sa "CityTok" livestream.  

Maaari ding mapanood ang iba pang videos tungkol sa mga Little Officials sa official FB page ng City Government of Muntinlupa at Mayor Ruffy Biazon.

Ayon sa Muntinlupa PIO, ang Boys and Girls Week ay proyekto ng City Government of Muntinlupa na naglalayong maparanas sa mga batang estudyante ang pang araw araw na trabaho sa serbisyo sibil at magbigay ng inspirasyon sa kanila na maging community leaders. Ito ay inumpisahan ni dating Vice Mayor Jimmy Fresnedi sa termino ni dating Mayor Ignacio "Toting" Bunye. (PR/PIA-NCR)

0 comments:

Post a Comment